Siguro masasabing inaasahan ko na darating ang araw na ito. Pero isa lang ang problema ko - hindi ako handa. Marahil ay nagpadala ako sa aking emosyon kaya ko nabitiwan ang mga salitang iyon. Pero sa tingin ko ay tama ang ginawa ko.
Oktubre 21 - kanina lang iyon nangyari. Minsan naiinis ako sa sarili ko kung bakit ako nagiging halimaw kapag nakakausap siya o nababaliw. Pero isa ang sigurado, nasasaktan ko lang siya sa bawat pagkakataong mag-uusap kami. Nakakapagod na, siguro lalo na siya. Sa araw-araw na ginawa ng diyos e wala na kaming pagkakataong hindi nag-aaway. Hindi naman kami magkasintahan para maging ganoon ang turingan namin pero hindi ko talaga maintindihan kung bakit sa bandang huli ay sa pag-aaway lang kami natatapos.
Sa pagkakataong ito ay hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko. Paulit-ulit nalang eh, nakakairita na. Masyado nang maraming buhol at hindi ko na kayang ayusin. Sana sa ginawa kong ito, magagawa ko na siyang kalimutan, at ipagpatuloy ang byahe.
Kahit kailan hindi ako nagpanggap na iba sa kanya. Pero hindi naging sapat para pagkatiwalaan niya. Oo, ako na ang masama, ako na ang nanakit, ako ang nang-api at ako ang sumuko. Kung hindi man ako ang inaasahan niyang tao sa buhay niya, hindi ko pipilitin ang sarili ko na baguhin para lamang magustuhan niya. Mas maganda kung malalaman niya na gaano ako kasamang tao dahil ayoko namang magtago sa anino ng pagpapanggap.
Sayang ang pinagsamahan. Sayang ang mga pagkakataong masaya kayong magkasama. Sayang…
Pero hindi naman magandang isipin na magkaibigan kayo kung mag-aaway lang kayo. Magkaibigan nga tayo - nagtatago lang tayo sa salitang KAIBIGAN pero kahit kailan hindi natin napanindigan.
Hindi ako nanunumbat at hindi ko ipinamumukha sa iyo ang mga kakulangan mo. Lahat ng sinabi ko ay ang naging papel ko lang sa buhay mo. Hindi ba nakakainsulto kung maririnig mo ang katotohanan.
Nakakapagod din kasi ang laging nagbibigay. Para kang artistang hindi pinapanood. Para kang gitarang wala sa tono. Para kang bahay na walang nakatira. Para kang tanga.
Hindi mo din maiiwasan ang maghintay ng kapalit. Pero hindi na love ang love kung may kapalit pero hindi ba naisip ng mga nagpauso ng “tru lab” o ng “unconditional love” na hindi tutugtog ang gitara kung hindi ito kakalabitin? Parang halaman, kung hindi mo aalagaan, hindi mamumulaklak.
Sabi nila ang tunay na kaibigan laging maaasahan kapag kailangan. Totoo naman. Halos kalimutan ko na nga ang problema ko para asikasuhin lang ang problema niya. Kahit pa sabihing nakakahiya na, hindi mo naman iintindihin kasi nga MAHAL mo! Kumbaga hindi mo na kailangan pang sabihin dahil obligado akong gawin ang lahat para sa iyo. Ipinaganak ang tao para alagaan ang kapwa niya, kaya siguro wala akong karapatang magreklamo. Gusto mo kasi, doon ka masaya, parang droga, kahit hindi na tama ginagawa pa. Kahit sabi na ng isip mo tama na, pipitik naman ang puso - BOBO!
—————————————–
Masarap siguro kung ikaw naman ang binibigyan. Kasi lumaki ako sa lugar kung saan ang panghuhusga, pagiging makasarili ang nakabalabag sa paligid. Hindi ko naramdaman kung paano mahalin kaya minsan naiisip ko, gusto ba ako ng mundo?
Pesteng pag-ibig daw, tama peste. Pesteng uubos ng pagkatao mo kapag nagpatalo ka. Pesteng bumabalik sa katawan mo kahit ilayo mo. Pesteng lalason sa kamalayan mo na magigising ka nalang na hindi lang isang tao ang dapat mong binibigyan ng labis na atensyon. Na sana kung ginamit mo lang ang utak mo. Na marami naman palang kayang higitan siya, na matatanggap kung sino at hindi mo masasaktan. Na mas karapat-dapat bigyan ng pagkakataong makibahagi sa mundong ginagalawan mo lang noon mag-isa.
Lahat lang naman ng ito nag-ugat sa ‘pesteng’ pag-ibig. Hindi ko alam kung bakit nilikha pa ang ganitong pakiramdam eh kung iisipin mo, mataas ang posibilidad na magkakasakitan lang kayo sa bandang huli, naglolokohan pa. Mas masarap pang kumain kesa isipin ang pag-ibig na yan. Pero makasarili ang dating mo, wala kang pagpapahalaga sa tao. Kung ang pag-ibig lang ay kasindali ng pagkain sa lamesa, na hindi mo na kailangan pang magpapansin, magpapogi, magpayaman, magpakatanga - para lang makakain.
Malayo pa ang takipsilim. Matagal pang sisikat ang araw. Sana hindi tayo abutan ng bagyo na siyang magpapadilim sa paligid natin. Marami pang sasakyang dadaan. Maraming tao sa bangketa. Marami kang pwedeng daanan. Iikot ang mundo, iikot ang paligid, iikot ang buhay. At sana maayos ang mga sira-sirang daan para pwedeng daanan muli.
Masyado nang malayo ang napupuntahan ng mga kwento ko. Kayo nalang ang bahalang humusga kung dapat pa bang isama ang ibang mga salita. Mula sa kaibigan hanggang pag-ibig na naging praning na hindi maintindihan sa bandang huli. Siguro gutom lang ako.
Makatulog na nga.. Nyt..
,.-*