Tuesday, September 23, 2008

naiintindihan mo ba ang MARTIAL LAW?

NOW, THEREFORE, I, FERDINAND E. MARCOS, President of the Philippines, by virtue of the powers vested upon me by Article VII, Section 10, Paragraph ('2) of the Constitution, do hereby place the entire Philippines as defined in Article I, Section 1 of the Constitution under martial law and, in my capacity as their commander-in-chief, do hereby command the armed forces of the Philippines, to maintain law and order throughout the Philippines, prevent or suppress all forms of lawless violence as well as any act of insurrection or rebellion and to enforce obedience to all the laws and decrees, orders and regulations promulgated by me personally or upon my direction.

-------------------------------------------

Setyembre 21, 1972 - nang ideklara ni Marcos ang Martial Law o Batas Militar. Wala pa ako sa mundo sapagkat ipinanganak ako noong Enero 9, 1991. Samakatuwid, wala na ang Batas Militar, pati na si Marcos nang lumabas ako sa mundong ito.

Nguni't kahit hindi ko naabutan ang sinasabi nilang isa sa madilim na nakaraan ng kasaysayan, ang ina ko naman ang madalas magkwento at magkumpara ng Gobyerno ni Marcos at ni Arroyo.

Maraming tutol daw noon sa Martial Law kasi sabi kapag nagsalita ka laban sa Gobyerno, huhulihin ka o kapag minalas ka, matagpuan kang dedbol sa damuhan. Kaya daw ideneklara ang Batas Militar sapagkat lumulubha na ang kaguluhan at krimen sa bansa. Malamang hirap itong sugpuin ni Marcos kaya niya ginawa ito. Nung nagkaisip ako, naging iteresado ako sa buhay ng mag-asawang Marcos.

Para sa akin ay isang matatag na tao si Ferdinand Marcos. Isa pala siyang sundalo noong panahon ng hapon at napasama sa Martsa ng Kamatayan o Death March. Sumapi din siya sa gerilya para lumaban sa mga hapon. Iskolar din siya noon sa Unibersidad ng Pilipinas at kumuha ng kursong Abogasya at nagtapos ng Cum Laude sa paaralang iyon. Ang hinangaan ko ng husto sa kanya ay ang pagtatanggol niya sa kanyang sarili nang napagbintangan siyang pumatay sa kalaban ng kanyang ama sa pulitika. Nakulong siya ng labimpitong taon. Nguni't kahit nasa kulungan ay nagawa parin niyang makatapos ng abogasya at isa siya sa nakakuha ng mataas na marka sa kasaysayan. Doon niya hiniling na ipagtanggol ang sarili at siya ay napawalang-sala at binigyan ng parangal bilang Lawyer of the Year. Diba, san kapa meron pa bang ganyan ngayon?

Si Marcos ay naging Kongresista, Senador at syempre Presidente. Siya ang may pinakamahabang termino sa kasaysayan ng Pilipinas. Mula sa kanyang unang termino 1965-1986 halos 21 taon siyang nasa kapangyarihan. Hindi kaya siya na-boring noon sa Malakanyang?

Ayon sa aking pananaliksik maraming proyektong nagawa si Marcos sa kanyang unang termino, ito ay mga:

  1. Ang pagpapanibagong-ayos ng may 2,000 malalaki at malilit na industriya
  2. Pagsugpo sa katiwalian at kasamaan sa pamahalaan
  3. Pagpapaunlad ng mga baryo na sa unang pagkakataon sa kasaysayan nabigyan ng tiyak na kaparti sa kinikita ng pamahalaan
  4. Pagpapatayo ng higit sa 80,000 silid-aralan at higit sa 6,000 kilometro ng mga lansangan (kabilang na ang unang phase ng North Diversion Road mula Balintawak hanggang Tabang sa Bulacan - kilala ngayon bilang North Luzon Expressway)
  5. Ang pagpapatayo o rehabilitasyon ng pamamaraan ng mga patubig, o irigasyon na ang ang kabuuang bilang nito'y nakakahigit sa lahat ng patubig na naitayo sapul sa panahon ng mga Kastila noong 1565 hanggang sa pangasiwaang kanyang sinundan.
  6. Ang pagsisimula ng Green revolution at pagkakaroon ng 'mapaghimalang palay' o "miracle rice
  7. Ang puspusang pagsasakatuparan ng reporma sa lupa
  8. Ang pagpapalakas ng kilusang kooperatiba sa isang pambansang sukatan
  9. Ang muling pagpapasigla at pagtangkilik sa sining at kulturang sariling atin sa pamamagitan ng pamamahala ng Unang Ginang Imelda Marcos.
Nguni't nang manalo bilang presidente sa ikalawang pagkakataon, maraming suliranin ang hinarap ng kanyang gobyerno. Nariyan ang kaliwa't kanang protesta ng mga estyudante, mga tsuper, ang first quarter storm at ang di malilimutang pambobomba sa Plaza Miranda na ikinamatay at ikinasugat ng ilang dumalo. Dahil dito, sinuspindi ang Writ of Habeas Corpus upang mapigilan ang karahasan.

Hindi pa rito natatapos ang problema. Dumating ang malaking baha sa kalagitnaang Luzon noong 1972 na sumira sa mga pananim na nagbunsod ng pagtaas ng bilihin at ang mga asukal, bigas at mga pangunahing bilihin ay nawala sa mga pamilihan. Pinangasiwaan ng pamahalaan ang halaga ng pagbibili ng bigas na nakatingal sa kanilang kamalig. Ipinag-utos ding ipagbili ang mga bigas at asukal na nakatago sa mga bodega ng mga mapagsamantalang negosyante sa isang nakatakdang halaga sa ilalim ng babalang ang mga ito'y kukumpiskahin ng pamahalaan.

Bunga ng kautusan ng Pangulo'y muling lumabas ang mga bigas at asukal sa pamilihan at mg tindahan na nagpapatunay na ang kakapusan, lalo na sa Maynila ay gawa-gawa lamang.

Nguni't dahil sa hindi mapigilang kaguluhan, dahil siguro sa mga nagdaang pangyayari, inihayag ni Marcos ang deklarasyon ng Martial Law sa himpapawid.

Marami ang tumutol sa deklarasyong ito. Sabi ng mga kritiko, gagamitin ang Batas Militar upang manatili ang Marcos sa kapangyarihan, pero as usual, todo deny ang mga ito.

Pero bakit tumagal ang implementasyon ng Batas Militar ito ay dahil malaki ang naitulong nito sa lipunan. Nanumbalik ang kapayapaan at kaayusan sa mga lansangan. Nawala ang pagnanakaw, pang-aabuso, pag-susugal at iba pang krimen ay nabawasan ng malaki. Nawala ang basura sa lansangan, nagkaroong ng displina ang mga tao at naging tahimik ang ating mga gabi dahil sa ipinairal na curfew mula 12:00 hanggang 4:00 ng umaga. Napigilan din nito ang pagtaas ng mga bilihin sa merkado, nawala ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno na siyang naging dahilan ng pagbabalik ng tiwala ng mga tao sa gobyerno.

Dito sa aking isinulat, hindi ko naman kinukunsinti ang kamaliang ginawa ni Marcos. Ipinapakita ko lamang na may mabuti paring naidulot ang Batas Militar sa ating bansa. Ayaw kasi ng pinoy ang sinasakal diba pero hindi tayo mahuhuli kung wala tayong ginagawang masama. Sabi nga niya, sa ikauunlad ng bayan, displina ang kailangan. Sana hindi na kailangang maulit ang pangyayari noon para lamang madisiplina ang ating mga pasaway na ugali. Kaya siguro hindi umuunlad ang bansa natin sapagkat lagi tayong umaasa sa tulong ng ibang tao at gobyerno. Maging ang ating mga pulitikong pulpol na walang ginawa kundi ang magnakaw sa ating buwis. May araw din sila. Maraming mabuting nagawa sa bansa si Marcos, lamang hindi sila natutong tumingin at makinig.

Kung noon isa lang ang magnanakaw ngayon marami na....

Kailan kaya tayo magkakaroon ng maayos at nagkakaisang bansa? Siguro kapag wala na ang mundo sa kalawakan. Ipagdasal po natin ang ating Gobyerno...

Opinyon ko lamang ito batay sa aking nasaliksik at mga kwento ng ilang nakakatandang nakakausap ko.

Snoopy - 17

1 comment:

Anonymous said...

totoo naman, mas talamak ang pagnanakaw at karahasan nganun kumpara noon...