Thursday, August 21, 2008

Every Filipino Athlete's Dream


Pangarap ng bawat pilipinong atleta ang makakuha ng gintong medalya sa olympics, nguni't bakit nga ba mailap ang pagkakataong ito para sa atin?

Sa wari ko...

Dahil ba sa kulang ang mga pasilidad sa ating bansa?
Dahil ba hilaw pa ang ating mga atleta para sa ganitong prestihiyosong palaro?
Dahil ba sa problema sa ating gobyerno?

O baka hindi seryoso ang gobyerno sa mga ganitong pagkakataon.

Mula nang sumali ang pilipinas sa Summer Olympics noong 1924, siyam na medalya lang ang nakuha natin, kabilang dito ang pitong tanso at dalawang pilak, karamihan ay galing sa boxing. Ngunit kailan nakuha ang huling medalya? Nakuha ito ni Mansueto "Onyok" Velasco noong 1996 Atlanta Olympics sa Men's Flyweight Boxing. Pero sa mga sumunod pang mga palaro ay bokya ang Pilipinas.

Pero bakit sa ibang mga patimpalak ay nakakakuha ang Pilipinas ng medalya? Noong SEA Games ay hindi naman tayo nahuhuli sa mga kalaban nating bansa. Noong nakaraang SEA Games ay nanguta tayo sa dami medalya, medyo nabahiran lang ng 'pandaraya' matapos magreklamo ang isang pinuno ng kalabang bansa.

May mga pinoy din tayong ipinapadala sa iba't-ibang bansa para sa mga patimpalak at tagumpay naman silang umuuwi dito. Pero hindi ko talaga maintindihan kung bakit hirap ang pinoy sa Olimpiada. Katwiran nila ay pressured daw sila o malakas talaga ang kalaban. Kung ganun ay bakit hindi nila gawing inspirasyon ang kanilang makakalaban, gayahin nila. Ang mga atleta natin tumatanda na sa kaka-ensayo nguni't kulang parin pero sa China, makikita mo na bata palang ay lumalaban na. Kung seryoso ang gobyerno sa programang pampalakasan, malamang ay hindi na tayo kulelat pagdating sa mga palaro. Talo tayo ng mga kapit-bansa natin.

Pero pansinin mo, pagdating sa mga kalokohan nandyan ang pinoy. Tulad ng kababalita lang na nanalo daw ng silver! Akalain mo pero sa Splash Diving lang pala sa Germany.

Baka naman masyadong kumpyansa ang ating mga kalahok kaya sila natatalo. Tulad na lang ni Harry Tañamor ng Boxing. Sabi niya, handang-handa na raw siyang lumaban dahil alam na daw niya ang galaw ng kalaban nguni't anong nangyari, unang laban talo agad. Parang hawa-hawa na sila. Pati ang mga swimmers natin, iwan din. Kahit pa sabihin ng media na pinakamabilis sa Southeast Asia, pampalubag loob lang iyon. Ang talo, talo pa kahit saan mo tingnan.


Hanga lang ako sa bunso sa grupo, si Hidilyn Diaz. Hindi ko akalain nasa edad niyang 17 ay inilaban na kaagad siya sa Olimpyada. Kahit hindi siya nakaabante. Nakita ko ang pagpupursige sa kanya. Sana talaga may sapat silang suporta dahil hindi lahat ng laban nakukuha sa lakas ng loob.

Hindi ko sinisira ang kredibilidad ng ating mga atleta, gusto ko lamang ipahayag ang aking mga nakikita sa kanilang ginagawa. Hangad ko na sana isang araw hindi na kakailanganin ng gobyerno na magbigay pa ng kaukulang pera para lamang sa mananalo sa Olimpyada.

Sana bigyan ng sapat na exposure ang ating mga atleta sa ating mga kababayan. Tila ipinapakita natin na hindi tayo interesado sa kanila.

Siguro pang professional lang tayong mga pinoy. :-)

At ito ay sa wari ko lamang...


No comments: